Isa sa
pinakamasayang bahagi ng buhay-high-school ang paghahanap ng mga matatalik na
kaibigan. Mahirap manimbang sa simula subalit kap ag naging kaibigan mo
na,tuloy-tuloy na ang ligaya. Sila ang kasamang sumusubok ng maraming
karanasan. Sila ang kabiruan at kaasaran. Sila ang kakuwentuhan sa maraming mga
seryoso at malalim na kaisipan. Sila ang kasamang pumalaot sa higit pang
dakilang tunguhin sa buhay.
Natanong mo na ba kung paano nagsimula ang inyong barkada? Paano kayo naging
magkakaibigan? Bakit sila ang naging matatalik mong mga kaibigan? Sa isang
mahiwagang paraan, nagsasama-sama ang mga magkakatulad. Maaaring magkakatulad
ng interes, ng hilig, o ng mga pangarap. Maaaring magkakatulad ng
pananampalataya o ng pilosopiya sa buhay. Sino pa nga ba ang magsasama-sama,
halimbawa, sa panonood ng sine, kundi ang mga katulad na may gusto kay John
Lloyd at
Bea? Subalit may pagkakataon ding nagsasama ang hindi magkakilala. Dahil sa
nakababagot na paghihintay sa pag-usad ng pila sa sine, maya-maya’y nag-uusap
na ang
magkatabi. Hindi sila magkakakilala. Nagkataong magkasunod, parehong naiinip.
Sa pila natagpuan ang bagong kaibigan. Baka nga mamaya, maging kasintahan pa!
Napalalalim ng isang pinagdaanan ang pagsasama. Ang parehong karanasan ang
naging dahilan ng pagkakakilala at pag-uugnayan. Ganyan nabubuo ang barkada.
Magkakapareho at kaiba rin. Umuusad at lumalalim ang pagkakaibigan sa paglipas
ng panahon dahil sa mas marami pang pagkukwentuhan at sama-samang pagdanas.
ISANG
MALAKING BARKADA
Hawig sa barkadahan ang isang pamayanan. Pinagsama-sama sila, una na, ng
kanilang kinatatayuang lugar. Halimbawa, Barangay Katapatan! Doon sila nakatira
at doo’y sama-sama silang bumubuo ng mga sistema kung paano haharapin ang mga
hamon sa buhay. May mga kuwento silang pinagdadaanan. May kuwento silang
binubuo. Ang valedictorian na anak ni Aling Norma, tagumpay ng buong
kapitbahayan. Ang aksidente ni
Manuel sa motor ay lubhang ipinag-alala ng buong baranggay. Ang pagliligawan
nina Eric at Jenny, ikinakilig ng lahat. Ang problema sa patubig ang laman ng
usapan sa barberya at
palengke. Ang kuwentong nililikha nila at ang mga pagkilos upang
ingatan at paunlarin ang kanilang pamayanan ay kilos ng pagbuo
ng kultura. Kultura ang tawag sa mga nabuong gawi ng
pamayanan. Ito ang mga tradisyon, nakasanayan, mga
pamamaraan ng pagpapasya, at mga hangarin na kanilang
pinagbahaginan sa paglipas ng panahon. Iniukit ang mga ito sa mga awit, sining,
at ritwal upang huwag makalimutan. Gabay ang mga tradisyong ito sa mga hamon sa
kinabukasan. Babalikan nila ang nakaraang nakaukit sa ka
nilang
kultura upang makita ang mga landas na mainam na tahakin sa kinabukasan.
LIPUNANG
[PAMPOLITIKA
Habang lumalaki ang mga grupo, nagiging mas mahirap na pakinggan ang lahat at
panatilihin ang dating nakukuha lamang sa bigayan at pasensiyahan. Kung ang
magkakabarkada ay nagkakaunawaan na sa kindatan at ang magkakapit-bahay sa
pakiramdaman at delikadesa, sa isang lipunan, nangangailangan na ng isang mas
malinaw na sistema ng pagpapasya at pagpapatakbo. Sa dami ng interes na
kailangang pansinin at
pakinggan, sa dami ng nagkakaiba-ibang pananaw, sa laki ng lugar na nasasakop,
mas masalimuot na ang sitwasyon. Hindi na lamang iisang kultura ang mayroon,
marami pang nagkakaiba-iba at nagbabanggaang kultura ang umiiral na
pare-parehong nagnanasa ng pagyabong. Ito ang kinakaharap ng lipunan: paano
siya makagagawa at magiging produktibo sa harap ng maraming mga kulturang ito?
Paano magiging isa pa rin ang direksyon ng bayan sa dami ng mga tinig at lugar
na gustong tunguhan ng mga tao?
Hindi
madali ang sagot sa mga tanong na ito. Isang pagsisikap na abutin at tuparin
ang makabubuti sa nakararami ang pagpapatakbo ng lipunan. Pampolitika ang tawag
sa paraan ng pagsasaayos ng lipunan upang masiguro na ang mga bawat isa ay
malayang magkaroon ng maayos na pamumuhay, makamit ang pansariling mithiin
sabay ang kabutihang panlahat. Ang pamahalaan ang nangunguna sa gawaing ito.
Tungkulin ng
pamahalaan na isatitik sa batas ang mga pagpapahalaga at adhikain ng mga
mamamayan. Magtatatag ang pamahalaan ng mga estruktura na maninigurong
nakakamit ng mga tao ang
kanilang batayang pangangailangan. Mag-iipon, mag-iingat, at magbabahagi ng
yaman ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubuwis at pagbibigay-serbisyo. Sa
ugnayang pangmundo,
ang pamahalaan ang mukha ng estado sa internasyonal na larangan. Ang pamahalaan
ang magpapatupad ng batas upang matiyak ang soberanya at mapanatili ang
seguridad at kapayapaan sa loob ng bansa na kailangan sa pagiging produktibo ng
lipunan.
ISANG
KALOOB NG TIWALA
Sa laki ng tungkulin at kapangyarihan ng pamahalaan, may tukso na tingnan ang
pamahalaan bilang nasa itaas ng mga tao. Palibhasa nasa kamay ng mga namumuno
ang kapangyarihan na bigyang-direksyon ang kasaysayan at kinabukasan ng estado,
itinuturing kung minsan ng mga tao ang kanilang mga sarili bilang sakop lamang
ng pamahalaan. Totoo ito ngunit kailangang idiin at ulit-ulitin na ang
pamamahala ay kaloob ng mga tao sa kapwa nila tao dahil sa nakikita nilang
husay at galing ng mga ito sa pamumuno at pangangasiwa.
Ang
pamamahala ay usapin ng pagkakaloob ng tiwala. Hindi
iba ang pagtitiwalang ito sa ipinagkaloob natin sa ating mga
kabarkada o kasamahan sa pamayanan minsan sa ating buhay.
Iyong mga pagkakataong biglang nagyaya ang kabarkadang si
Tonio na maligo sa ilog pagkatapos ng klase. Hindi siya namilit
pero sumama ang buong barkada sa kanya. Nag-enjoy ang lahat, salamat at nakinig
sa kanyang pag-aaya! Si Aling Cora biglang nagtawag na magtanim ng mga halaman
sa paaralan. At dahil sa tindi ng kanyang pagkagusto sa gawaing iyon, mahusay
niyang nayakag ang iba na makilahok kahit sa una'y ayaw talaga nila. Ngayon,
nakikinabang ang mga bata sa paaralan sa lilim na dulot ng mga punong tinanim
ni Aling Cora at ng lahat ng
nagtiwala sa kanya. Sa barkada at pamayanan, basta sumusunod ang mga kasapi sa
mga tumatayong lider kahit sa una'y ayaw naman talaga. Bakit? Mayroong nakikita
sa kanilang pag-aalab ng
kalooban. May matatayog silang pangarap na nakikita nilang maaaring maabot sa
pakikipagtulungan sa iba. May talas sila ng paningin upang makita ang
potensiyal ng grupo o pamayanan. Malay sila sa layuning komyunal. Mulat sila sa
mga katutubong yaman ng grupo at ang mga potensyal sa pag-unlad nila nang
sama-sama. May husay sila sa pagsasalita upang ipahayag ang kanilang nakikita
at may kakayahan silang pag-alabin din
ang damdamin ng kanilang mga kasama tungo sa isang hangarin. Hindi lahat ng tao
ay ganyan. At ang mga ganyan, ang mga Tonio at Aling Cora, ang natural na
nagiging pinuno
ng lipunan.
TAYO
Isang pagpapabaya ang isipin na ang mga Tonio at Aling Cora na lamang ang dapat
magpatakbo ng lipunan, na ilagak na lamang sa kanilang mga kamay ang
kasalukuyan at kinabukasan nating lahat dahil sa pagtitiwalang magaling sila.
Ang lipunan ay hindi
pinapatakbo ng iilan. Kailangan pa ring makilahok ng taumbayan, gawin ang
kayang gawin ng bawat isa, at ibahagi ang bunga ng paggawa sa bayan. Maaaring
mahusay na pinuno si
Tonio, ngunit kailangan niya ng katuwang upang maisagawa ang malalaki niyang
proyekto. Ang totoo, hindi naman talaga sa kaniya ang proyektong kaniyang
pinasisimulan. Ang mga
ito ay proyekto ng kaniyang mga kasamahan na nagkataong siya lamang ang
nakapagpaliwanag at nanguna sa paggawa. Ang proyekto ng pinuno ay hindi
proyektong para sa kanyang sarili. Ito ay proyekto ng at para sa kaniyang
pinamumunuan.
Kaya’t hindi mula sa “itaas” patungo sa “baba” ang prinsipyo ng mahusay na
pamamahala. Kailangan ang pakikipagtalaban ng nasa “itaas” sa mga nasa “ibaba.”
Ang gagawin ng pinuno ay ang gusto ng mga pinamumunuan at ang pinamumunuan
naman ay
susumunod din sa giya ng kanilang pinuno. Gabay sa ugnayang ito ang Prinsipyo
ng Subsidiarity at Pagkakaisa (Solidarity) na pangunahing kondisyon upang
maging maayos ang lipunan. Sa Prinsipyo ng Subsidiarity, tutulungan ng
pamahalaan ang mga mamamayan na magawa nila ang makapagpapaunlad sa kanila.
Sisiguraduhin nito na walang hahadlang sa kalayaan ng mga mamamayan mula sa mga
pinuno sa pamamagitan ng pag-aambag sa estado ng kanilang buwis, lakas at
talino. Hindi panghihimasukan ng mga lider ng pamahalaan kung paano mapauunlad
ng mga mamamayan ang kanilang sarili.
Sa
Prinsipyo ng Pagkakaisa, tungkulin ng mga mamamayan ang magtulungan at ng
pamahalaan ang magtayo ng mga akmang estruktura upang makapagtulungan ang mga
mamamayan. Mailalagay sa ganitong balangkas ang Prinsipyo ng Pagkakaisa: “May
kailangan kang gawing hindi mo kayang gawing mag-isa, tungkulin ko ngayong
tulungan ka sa abot ng makakaya ko. Ako naman ay may kailangang gawin nang
mag-isa, tungkulin mo
ngayon na tulungan ako sa abot ng makakaya mo”. Tungkulin nating magtulungan
tungo sa pag-unlad ng ating lipunan.
KAPWA-PANANAGUTAN
Ang lipunang pampolitika ay isang ugnayang nakaangkla sa pananagutan- ang
pananagutan ng pinuno na pangalagaan ang nabubuong kasaysayan ng
pamayanan.Iginagawad sa kanila ng buong pamayanan ang tiwala na pangunahan ang
grupo—ang
pangunguna sa pupuntahan, ang paglingap sa pangangailangan ng bawat kasapi, ang
pangangasiwa sa pagsasama ng grupo. Kasama nito ang pananagutan ng mga kasapi
sa lipunan na maging mabuting kasapi sa lipunan. Kung hindi tutuparin ng mga
kasapi ang kanilang papel, kung hindi sila makikisali sa pag-iisip at
pagpapasya, kung hindi sila makikilahok sa mga komyunal na gawain, kung hindi
sila magiging maigi sa kanilang mga paghahanap-buhay, hindi rin tatakbo ang
pamahalaan at lipunan.
Ang pag-unlad ng isang lipunan ay hindi gawa ng pinuno. Gawa ito ng pag-aambag
ng talino at lakas ng mga kasapi sa kabuuang pagsisikap ng lipunan.
DAGDAG NA
KOMPLIKASYON
Marahil may magtatanong kung bakit pa siya makikilahok kung sa huli’t huli ay
ang mayorya naman ang masusunod. Sasabihin niya, "Hindi rin naman
mahalagang magsalita pa. Nag-iisa lang naman ako. Ang masusunod naman ay ang
marami."
Kailangan pa ring magsalita kahit isang mumunting tinig lamang ang sa iyo.
Hindi mabubuo ang marami kung wala ang iilan. Sa kabila ng dunong ng pinuno
at/o ng mayorya, kung minsan, mula sa isang salungat na opinyon isinisilang ang
pinakamahusay na
karunungan. Si Ninoy ay isang tinig lamang na nagpasimula ng pagsasalita ng
marami pang ibang sinisikil ng diktadurang Marcos. Si Martin Luther King ay
isang tinig lamang ng
mga African-American na sumigaw ng pagkilala sa tao lagpas sa kulay ng balat.
Si Malala Yousafzai ay isang tinig ng musmos na naninindigan para sa karapatan
ng mga kababaihan na makapag-aral sa Pakistan sa kabila ng pagtatangka sa
kaniyang buhay. Hindi mabubuo ang walis-tingting kung wala ang isang tangkay.
Maaaring tututol pang muli ang nawalan na ng loob. Kaniyang sasabihin:
"Matagal na akong tumutulong sa pamahalaan. Tapat ako sa pagbabayad ng
buwis. Naglilingkod
ako nang wagas sa bayan. Ang lahat ng paghihirap ko ay inuubos lamang ng mga
kurap sa pamahalaan." Lalong higit tuloy ngayon kailangang gumising at
magbantay. Sa harap ng garapal at talamak na kurapsyon, kailangang maging mas
maingat ang taumbayan sa pagbibigay ng tiwala. Ang pagtitiwala ay
ipinagkakaloob at maaari ring bawiin. Hindi utang na loob ng taumbayan sa mga
pinuno ng pamahalaan ang kanilang paglilingkod." Baliktad ito: ang
kapangyarihan ay ipinagkatiwala lamang sa mga namumuno. Ang bayan ay
ipinagkatiwala
lamang sa mga namumuno. Ang namumuno ay hindi espesyal na nilalang na hiwalay
sa kasaysayan ng tao at ng bayan. Nangunguna lamang sila sa grupo, hindi nasa
itaas ng iba.
Bahagi pa rin sila sa kuwento at kinabukasan ng bayan. Utang na loob nila sa
taumbayan na ipinaubaya sa kanila ang pangunguna sa mga hangarin ng bayan.
SINO ANG
"BOSS"?
Sa unang talumpati ni Noynoy Aquino pagkatapos niyang manumpa bilang pangulo ng
bansa, sinabi niyang “Kayo (ang taumbayan) ang boss ko!” Kontra ito sa
nakasanayang
pangingibabaw ng mga pinuno sa lipunan. Hudyat ito ng pagbabago sa pagtingin sa
pamahalaan bilang nasa itaas at ang mamamayan ang nasa ibaba. Inilagay ang mga
mamamayan sa pedestal; ang pangulo ang maglilingkod sa kanila. Subalit, hindi
pa rin maaalis ang katotohanang may higit na kapangyarihan at lawak ng pananaw
ang pinuno na kailangang yukuan at pagtiwalaan ng ordinaryong mamamayan. Kaya’t
sino talaga ang
“boss”? Kapwa “boss” ang pangulo at ang mamamayan. Tulad ng isang barkada,
walang sinuman ang nangunguna. Totoo, may mas bibo at may hindi aktibo, ngunit
kapwa silang nag-uugnayan sa loob ng barkada. Sa Lipunang Pampolitika ang ideal
ay mabigyang prayoridad at pagpapahalaga ang mga ugnayan sa loob nito. Hindi
ang mga personalidad ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang kabutihang panlahat, ang
pag-unlad ng bawat isa. Ang modelo ay ang relasyon ng magkakabarkada. Walang
"boss" sa barkada. Hindi ang pinuno, hindi ang mas marami, hindi rin
naman ang iilan. "Boss" ng bayan ang pinuno magtitiwala ang bayan sa
pangunguna ng pinuno dahil may nakikitang higit at dakila ang pinuno para sa
kasaysayan at kabutihang panlahat. "Boss" naman ng pinuno ang
taumbayan—walang gagawin ang pinuno kundi ingatan, payabungin, at paunlarin ang
mga
karapatan at kalayaan ng mga tao sa bayan. Ngunit nakasukob sila sa kaisa-isang
kabutihang panlahat na nakikita at natutupad sa kanilang pag-uusap at
pagtutulungan. Ang Lipunang Pampolitika ay ang proseso ng paghahanap sa
kabutihang panlahat at pagsasaayos ng sarili at ng pamayanan upang higit na
matupad ang layuning ito. Ang tunay na “boss” ay ang kabutihang panlahat—ang
pag-iingat sa ugnayang pamayanan at ang pagpapalawig ng mga tagumpay ng
lipunan.